Sosy ang palengke ko ngayong linggo. Isa sa pinakalumang palengke ito sa Amerika na nagbukas noong 1907 pa, at dinadayo ng mga turista. Ang Pike Place Market sa Seattle, isang pampublikong palengke sa tabi ng Elliott Bay. Hindi lang isda ang mabibili dito kundi pati mga sariwang gulay at prutas, crafts ng mga local artists, fresh flowers, may antique shops at tindahan ng comic books. Maraming restaurants at dito rin matatagpuan ang pinakaunang Starbucks sa kasaysayan ng kape.
Medyo nagulat ako nang sinabi ng aking kaibigan na pupunta kami sa palengke. Feeling turista ako e, bakit sa palengke? Ang pinagkakaguluhan pala dito ay ang pagbili ng salmon. Kapag may bumili ng isda, dadamputin ng tindero ang 3-foot salmon at ihahagis nya sa isa pang tindero, at ihahagis naman uli hanggang masalo ng kahero ang isda. O di ba kakaiba? Nagulat ako nang maghagisan sila ng isda, di ako nakakuha ng litrato!

Di pa nagsawa, bumalik pa kami sa gabi para magkape at mag-pose sa tabi ni Rachel, ang bronze cast piggy bank at unofficial mascot ng Pike Place Market. Sa isang taon, umaabot daw sa $9,000 ang nilalaman ng liempo ni Rachel na hinuhulog ng mga turista galing sa iba't-ibang bansa.
Sino ang mas sexy sa amin ni Rachel, aber?